Isang araw, natigilan ako sa aking ginagawa at biglang pumasok sa isip ko, kung sa oras na ito hindi nangyari ang mga ngayari, masaya kaya ako sa buhay ko ngayon? Hindi na ako magpapaligoy ligoy pa, ang tinutukoy ko'y ang aking pagiging mommy at housewife.
Habang nagbrowse ako ng facebook account ko, scroll, scroll at scroll pababa, nakikita ko ang mga updates ng mga kaibigan ko -- walang katapusang masasaya at perpek na larawan, tungkol sa kanilang buhay-dalaga, trabaho, lakwatsa, at walang katapusang kasiyahan kasama ang kapwa nila single na barkada. Yung iba professional public school teachers na, yung iba cool este call center agents pala, yung iba nag aaral ng law, engineers at kung ano ano pa. Minsan naisip ko, mabuti pa sila! Samantalang ako, heto, nag aalaga ng aming nag iisang maganda at cute na cute na anak (haha! pasensya na, ina ako eh!), taga hatid-sundo sa school at lahat lahat na.
Naisip ko, dapat ko nga bang kainggitan ang mga iyon? Sabi nila, ang pagiging ina, all-in-one, lahat actually ng profession, name it and a mother can do it! Yun nga lang, walang sweldo, walang mga benipisyong makukuha, walang retirement dahil ang pagiging ina ay pang habang-buhay, ang masaklap pa hindi maaring pumili ang isang ina kung sino at anong klase ng anak ang palalakahin nya. Nakakapagod, minsan gustuhin ko mang sumuko, hindi maari, sapagkat ang isang ina ay walang karapatang mapagod at sumuko! Ngunit ang lahat ng iyan ay mawawala, isang halik at yakap na may kasamang lambing ng aking anak, samahan pa ng matamis ng i-love-you ang aking asawa, solve ang buhay!
Ngayon napag tanto ko na wala ng mas sasaya pa kapag alam kong masaya ang aking anak at asawa dahil naibubuhos ko sa kanila ang aking pagmamahal at pag aaruga. Lalo't hindi mapapantayan ng halaga ng pera at ano mang tagumpay sa karera, ang tagumpay ng ina sa pagiging parte ng tagumpay ng kanyang pamilya.
Masaya ako dahil alam kung may direksyon ang buhay ko ngayong isa na akong ina. Na sa bawat pagpikit ko, alam kong gigising akong may ngiti para sa anak ko at sa asawa ko. Kailanman ay hindi ko pinasisihan ang mga desisyon ko sa buhay, matagumpay ako sa pinili ko at paninindigan ko ito.